Breaking News

Bakit ako naninindigan para sa RH bill - Ces Orena-Drilon


Bakit ako naninindigan para sa RH bill
04/25/2011 3:35 PM

(Ces Orena-Drilon recently bared her pro-RH Bill stand in the pilot episode of Krusada. She has also been vocal about her advocacy in her official Twitter account.)

Ako ay para sa pagpapatibay ng isang batas na naglalayong pangalagaan ang kalusugan ng mga ina, tulungan ang mga mag-asawa sa pagplano ng kanilang pamilya upang mabigyan ang bawat supling nila ng edukasyon at tiyakin na mabuhay sila ng may dignidad.

Ang Reproductive Health bill ay HINDI naglalayong pumatay, HINDI nito isinusulong ang abortion, sa halip, masasalba nito ang buhay ng may 4,100 hanggang 4,900 na inang namamatay taon-taon dahil sa komplikasyon sa panganganak, base sa pag-aaral ng United Nations. Ang ibig sabihin nito, 11 hanggang 13 na mga ina ang namamatay araw-araw, dahil sa impeksyon, pagdudugo, o iba pang komplikasyon sa panganganak.

Ang mga ito ay mapipigilan sa pagdagdag ng pasilidad at health care attendants sa probinsiya na nilalayon ng batas. Ang pagbibigay din ng edukasyon ukol sa family planning, natural at modern contraception ay makakatulong sa mga ina para maiwasan ang komplikasyon sa panganganak.

Ayon sa Department of Health, 12% ng bilang ng namamatay ay dahil sa abortion.

Ipinagbabawal ang abortion sa Pilipinas, pero ayon sa pag-aaral, may 500,000 hanggang 800,000 (base sa World Health Organization) na sumasailalim dito taon-taon. Karamihan sa mga abortion o tatlo sa bawat apat na kaso, ayon sa Likhaan, isang women's health group, ay dahil hindi na kaya ng isang ina ang karagdagang anak dahil sa kahirapan.

Sa pagpasa ng RH Bill, mapipigilan nito ang paglaganap ng abortion. Ang isang ina ay mabibigyan ng oportunidad na pumili sa iba't ibang paraan ng contraception para maplano ang kanyang pamilya. Kapag siya ay nakapili ng paraan, mapapangalagaan ang kanyang kalusugan dahil hindi na siya manganganak taon-taon.
Ayon din sa demographic and health survey nitong 2008, ang pinakamahihirap na kababaihan ang may pinakamaraming isinisilang. Higit lima ang kanilang anak, pero tatlo lamang ang kanilang ninanais. Base sa pag-aaral ng World Bank, 24% lamang ng mga kababaihan sa pinakamahirap na 20% ng populasyon ay gumagamit ng family planning kumpara sa 58% sa Vietnam at 49% sa Indonesia. Ito ay sa kabila ng pag- aaral na nagsasaad na kalahati ng pagbubuntis sa Pilipinas ay hindi planado.

Ayon din sa pag-aaral, halos kalahati ng mga pamilya na may 7 o higit na miembro ay mahihirap. Noong 2006, higit sa kalahati ng mga pamilyang may 3 o higit na anak ay mahihirap. Ayon din sa pag-aaral, 2 sa bawa't 3 pamilyang mahihirap ay may tatlo o mahigit na anak.

Sa tinatayang 4,000 sanggol na isinisilang araw-araw, isa lang sa apat ang makakarating sa kolehiyo, at sa bilang na ito, isa sa bawat 100 ay mula sa mahirap na pamilya. Litanya ito ng mga statistics na hindi maikakaila, na ang may kinalaman an laki ng isang pamilya sa kahirapan.

Ang RH Bill ay isa sa mga paraan para labanan ang kahirapan, iangat ang estado ng kababaihan at bigyang dignidad ang bawa't sanggol na isinisilang.

Ito ang dahilan kung bakit ako, isang mamamahayag, isang babae at isang Pilipino ay gustong mapabilang sa mga sumusuporta sa RH bill.